deviant ART

[x]

Ensaymada by ~xatinrei:iconxatinrei:



“Eto na ang iyong usual café mocha at ang iyong bagel with cream cheese.” Nakangiting inilapag ni Patrick ang tasa at platito sa harap ko.

“Uy, thanks.  At…syempre, hindi mawawala ang paborito mong ensaymada.  Ewan ko ba naman sa ‘yo, di ka magsawa-sawa dyan.  Tuwing umaga na lang, yan ang kinakain mo.”  Ang nabanggit ko habang hinahalo ko ang aking kape.  

“Bakit kasi hindi mo subukan kumain ng ensaymada?  Masarap naman, ah.  Mas may lasa naman kesa sa ino-order mo.”  Pabirong sagot ni Patrick.

“Sige, one of these days, susubukan kong kumain nyan.”

Ganito kami ni Patrick tuwing umaga.  Saktong alas siete ng umaga, dumarating sya sa aming paboritong coffee shop.  Bukod sa maaga nagbubukas, maraming pagpipilian na kape at kakaunti lamang ang tao.  Tamang-tama para sa aming morning chat.  

Labing-limang minuto pasado ng alas siete naman ang dating ko.  Nilalakad ko lamang ang kapehan mula sa tinutuluyan ko.  Nakatapos na ng isang kape si Patrick sa lagay na iyon, at pag-upo ko, saka siya tatayo para um-order ulit ng kape nya at ng almusal nya, na kadalasan ay ensaymada, atsaka ng kape ko at kung anong tinapay ang nagugustuhan kong kainin, na kadalasan naman ay bagel.  

Habang hinahalo ko ang aking kape, tititigan ko ang kanyang ritwal--- magsisimula sya magkuwento tungkol sa kanyang nabasa sa dyaryo, habang nagpupunit ng dalawang pakete ng asukal.  Unti-unting ilalagay ang laman ng isang pakete, hahaluin, unti-unting ilalagay ang huling pakete ng asukal, at muling hahaluin ng matagal.  Tuloy-tuloy pa rin ang kanyang kuwento.  Pagkatapos ay kukuha sya ng half and half at unti-unting ilalagay sa kanyang kape habang hinahalo, tapos titikman.  Pag tingin nya ay tama na, itutuon naman nya ang kanyang pansin sa kanyang ensaymada.  Tatanggalin ang keso sa ibabaw, saka hihiwain sa apat ang ensaymada.  Tatapusin ang kuwento, saka kakain.  Mauubos ang buong umaga namin sa kuwentuhan.

Si Patrick ang aking pinakamatalik na kaibigan.  Anak sya ng kaibigan ng aking ina.  Highschool kami nuong kami ay nagkakilala.  Unang kita ko sa kanya, alam kong mahiyain sya, matangkad na payat na makapal ang salamin, naka-braces at may bangs na nakalapat sa noo na hindi ko mawari kung anong klaseng pamada ang ginamit nya o idol nya si Chingky-Doo.  Kamuntikan na akong tumawa sa harap nya, ngunit natigilan ako sa kanyang mga mata.  Duon, nakita ko na kung ano ang hindi ipinapakita ng kanyang pisikal na anyo, ay binabawi ng nasa sa loob.  At hindi ako nagkamali sa aking hinala.  Siya ang pinakamabait at pinakamasarap na kausap na taong nakilala ko, masaya ako at tingin nya ay ganuon din ako.

Madaling maging komportable sa kanya.  Para ko syang naging kakambal.  Kadalasan nga ay nanunukso ang aming mga magulang na sana ay kami ay magkatuluyan sa huli, na madalas naman ay tinatawanan namin sapagkat hindi namin makita na maging “ganuon” kami sa isa’t-isa.

Hinubog ng panahon ang pisikal na anyo ni Patrick, di nagtagal ay rumarampa na sya sa fashion industry na hindi naman nagpalaki ng kanyang ulo, habang ako nama’y nagpatuloy ng aking pag-aaral sa graduate school sa isang kilalang unibersidad.  Dumami ang manliligaw ni Patrick na babae at ako ang taga-pili ng kanyang ide-date.  Hindi ko maintindihan kung bakit hindi nila mapatagal ang kanilang relasyon.

“Parang nabo-bored ako sa kanilang kausap.  Wala akong matutuhan.  Lagi nilang tinatanong kung maganda ba sila o kung mataba ba sila.  Pag kinausap ko ng current events, tinatanong nila sa akin kung anong klaseng magazine iyon.”  Ang sagot ni Patrick nang minsang maitanong ko kung ano ang problema sa mga nakakarelasyon nya.

Siya rin naman ang taga-pili ko ng date.  Ngunit, hindi rin nagtatagal ang aking mga karelasyon sapagkat nauunahan sila ng insecurity kay Patrick, na sa tingin ko naman ay naninidak sa kanila.  

Kaya eto, magkasama na naman kaming nagkakape.

“O, malapit nang mag-Valentine’s.  Wala ka bang date?”  Tanong ni Patrick habang kinakain ang huling hiwa ng kanyang ensaymada.

Napasimangot ako, napaisip na wala akong matatanggap na bulaklak ngayong taon na ito, “Wala nga, eh.  Sinindak mo na lahat ng lalaking nakikilala ko.  Dapat, ‘di na ko sumama sa ‘yo!  Tatandang dalaga ako sa ‘yo!”

“Ayaw mo non?  Mamamatay kang birhen?  Hahaha!!!  Aray!”  Tumatawang hinihimas ni Patrick ang braso nyang pasaan na sa kurot ko.  “Hay, naku, Celine.  Ang ibig ko lang naman sabihin sa tanong ko, ay kung wala kang date, pwede ba kitang maging date sa isang party na pupuntahan ko?  Hindi kasi puwedeng hindi ko puntahan, eh, mababato lang kasi ako dun Saka hindi ka naman umiinom, di ba?  Kaya, kung malasing man ako, may driver ako!  At may makakausap akong may kwenta.”

“Nambola ka pa!  Ayoko ngang sumama sa iyo.  Bakit mo ko idadamay mabato, kung puwede naman akong magpakakuntento sa bahay?”

“Dahil mabait kang kaibigan at nagmamakaawa ako sa iyo.  Atsaka, maraming guwapo dun.  Malay mo, andun na ang lalaking nakaguhit sa palad mo.”  Biro ni Patrick.  “Atsaka, marami kang kakilala duon.  Anduon si Lila, yung kaaway mo buong highschool mo.  Anduon din si Micah, Jessica, Anthony…yung mga barkada mo nuong panahong wala akong kaibigan kundi libro.”

“Ang drama mo naman.  Ayoko pa rin sumama.”

“Bakit, may iba ka bang pupuntahan sa Valentine’s?”

“Wala…”

“Great!  Sunduin kita ng 8:00 sharp sa Sabado.”

“Pero…” Nag-iisip ako ng pangprotesta, pero walang lumabas.

“O, sige na, mamili ka ng susuutin mo, ha?  Aalis na ko.  Kita na lang ulit tayo bukas ng umaga dito.”  At tumayo na si Patrick.  Naiwan akong nag-iisip pa rin ng pangprotesta.

Sa huli, inisip kong sumama na nga lang.  Tutal, ay mababato rin lang naman ako sa bahay.  At tama ang sinabi ni Patrick, baka andun na nga ang lalaking nasa guhit ng aking palad.  Natawa ako sa posibilidad.

Saktong alas otso nga ng gabi ay dumating si Patrick.  Guwapong-gwapo sya sa kanyang suot na itim na longsleeves na polo na may  Chinese collar at maong na pantalon.  Isang pulang damit na maiksi ang pinili kong suotin.

“Wow, nagsuklay ka ata ngayon.”  Ang pang-aasar ni Patrick habang binubuksan ang pinto ng kotse para sa akin.

“Salamat.  Ikaw rin, mukhang naghilod ka ngayon.”  Sagot ko habang sinasara ang pinto.

Simula nang maging modelo si Patrick, ngayon lamang ako nakasama sa kanya sa dinami-dami ng party na pinupuntahan nya.  Hindi ko alam kung ano ang meron.  Maaalangan kaya ako duon?  Puros modelo lang ba ang nasa ganuong mga pagsasalo?  Hindi naman ako pangit.  Kinuha rin naman akong modelo ngunit mas pinili ko ang aking pag-aaral.  Kapag tumanda ba ako at kulubot na ang binti ko, kikita pa kaya ako?  Si Patrick ay maabilidad, kaya hindi problema sa kanya iyon.

“Andito na tayo.”  Ang putol ni Patrick sa aking pag-iisip.  Tumambad sa paningin ko ang isang napakalaking bahay na punong-puno ng ilaw.  

Pumasok kami sa loob.  Maraming tao at marami kaagad ang lumapit kay Patrick upang batiin sya.  Unti-unti ay napalibutan na sya ng kanyang mga kaibigan hanggang nakita ko na lamang ang sarili kong naitulak sa labas ng grupong iyon.  Ngumiti na lamang ako kay Patrick nang tumingin siya sa akin at sinabing “sandali lang…”  

Kumuha ako ng juice at naglakad-lakad sa labas.  Wala akong makitang kakilala.  Sumilip ako sa loob at nakita kong napapaligiran pa rin ng mga tao si Patrick na karamihan ay mga babae.  Napangiti ako nang maalala ko ang sinabi niyang mababato lamang siya.  Mukha namang maraming magpapasaya sa kanya.

Naglakad-lakad ako sa hardin.  Presko ang simoy ng hangin at mabango ang amoy ng dama de noche sa kapaligiran.  Umupo ako sa upuang bato at nagsimulang magbilang ng mga nalalaglag na bituin.

“Bakit andito ka?”  Napatayo ako sa gulat sa boses ni Patrick.

“Wala kasi akong makitang kakilala.”  

“Pasensya ka na, ha.  Naharang agad nila ako, di ako nagkaroon ng pagkakataon maipakilala ka.”  Ani Patrick habang umuupo sa upuang bato.

“Ayos lang yun.  Ano yang iniinom mo?”  Tinuro ko ang basong hawak nya.

“Alkohol, ano pa ba?  Gusto ata nilang malasing agad ako.”  At nagtawanan kami.

Habang nag-iingay sa loob at unti-unting inuubos ni Patrick ang kanyang inumin, nagkuwentuhan na lamang kami sa labas.  Nagbilang ng mga bituing natatakpan ng namumuong makapal na ulap, malamang ay uulan.  Nang wala na kaming mapag-usapan at mapagtawanan, nakinig na lamang kami sa mahinang tawanan sa loob ng bahay.

Nakatitig lamang si Patrick sa akin.  Titig na kailanma’y hindi ko nakitang ginawa nya.
“Celine…bakit kita kaibigan?”

“Pakiulit?  Hindi ko ata naintindihan yung tanong mo.”

“Kasi, ganito yun…tingin ko, parang…parang ma-“

“Patrick, pare!!!  Inom pa!”  Putol ng isa sa mga taong nakapalibot kay Patrick kanina pa.

Tumalikod na lamang ako at naglakad papalayo.  Narinig ko na lamang ang boses ni Patrick at ng kanyang mga kasama pabalik sa loob ng bahay.

Ano ang ibig sabihin ni Patrick na bakit nya ko kaibigan?  Bakit nya tinatanong iyon?  Bakit nya ako tinitigan ng ganuon?  O, baka naman, ganuon lang talaga sya tumingin pero, nung oras na iyon, meron akong naramdaman?  Pero, ano naramdaman ko?  Bakit parang napatigil nya tibok ng puso ko ng oras na iyon, at nung magtanong sya, parang bumilis na lamang ng bigla?  Meron ba kong sakit?  Abnormal ba ang puso ko?  Si Patrick…kaibigan ko, kaibigan ko lang…pero ano iyong tingin na iyon???  Bakit ako napapaisip ng ganito?  Parang may iba…iba akong nararamdaman at higit sa pagiging kaibigan para kay Patrick…nagtatanong sya, may gusto syang sabihin…kelangang malaman ko…

Lumakad ako pabalik sa loob ng bahay.  Di ko namalayang may dalawang oras na pala akong nag-iikot sa hardin na nag-iisip sa ano mang bumabagabag sa utak ko.

Madali lang mahanap si Patrick.  Maghahanap lamang ako ng grupong maraming tao at tiyak sa gitna nuon, anduon siya.  Ngunit, wala.  Lahat ng mga kaibigan nyang nakapalibot sa kanya ay may kanya-kanya nang kausap.  Pinuntahan ko ang lahat ng kwarto, sala, study, lahat…ah kusina, tama, baka nagutom lamang sya.

Nasa bungad pa lamang ako ng kusina ay napatigil ako.  Si Patrick, namumula, halatang umeepekto na ang kung ano man ang pinag-iiinom nya sa nakaraang mga oras.  Ngunit ang nakatawag ng pansin sa akin ay ang babaeng nakaharap sa kanya na may hawak na mansanas.  Pinakakagat nya si Patrick, at nang pakagat na ay binawi nya ito at hinarap ang kanyang labi at hinalikan naman sya ni Patrick.  Biglaan ay napadilat si Patrick at nagtama ang aming mga mata.  Itinulak nya ang babae sa harap nya.

“Celine!”

Hindi ko namalayan na tumatakbo na pala ako papalabas ng bahay.  Sa mahabang kalye na punong-puno ng malalaking bahay, ngunit walang sasakyan.  

Bakit ako tumatakbo?  Ano ang tinatakbuhan ko?  Bakit ako lumuluha?  Nakita ko lang naman na may hinalikan syang ibang babae.  

Pero, bakit masakit…?

Isang taxi ang dumaan sa likod ko na malamang ay naghatid sa isa sa mga bahay duon.  Pinara ko at daglian akong sumakay.  Sa likod, nakita ko na lamang ang isang lalaking tumatakbo at humahabol sa taxi at sumisigaw, “Celine…”

At bumuhos ang ulan.

* * * * * * * * * *

Sampung buwan na ang nakalilipas simula nang gabing iyon.  Pinutol ko ang lahat ng komunikasyon namin ni Patrick dahil na rin sa labis kong pagkahiya sa reaksyon ko nang gabing iyon, wala akong maipakitang mukha kay Patrick.  Malamang, hindi rin nya maisip kung bakit ako tumakbo.  Kahit alam ko ang sagot, hindi ko kayang sabihin at aminin sa sarili ko.  Nang mga nakaraang araw simula nuon, sinubukang tumawag ni Patrick, ngunit di ko sinasagot.  Pumunta sya sa tinutuluyan ko, ngunit nagkukunwari akong wala sa bahay.  Pag nakita ko ang kotse nyang nakaparada sa harap, hindi ako umuuwi.  Hindi na rin ako pumunta sa aming pinagkakapehan tuwing umaga.

Sa huli, malamang ay nagsawa na sya.  Hindi ko kayang humarap sa kanya.  Ano ang sasabihin ko?  Hindi ko kayang sagutin ang mga tanong nya kung sakali.  Mabuti na rin siguro ang ganito.

Itinuon ko na lamang ang atensyon ko sa aking pag-aaral.  Magpapasko na rin at kelangan pagtuonan ng atensyon ang regalo.  Ngunit sa mahabang listahan ko, wala na si Patrick duon.  Nalulungkot ako tuwing iniisip ko ang kaibigang itinapon ko ang pinagsamahan.

Naisip kong pumunta sa pinagkakapehan namin isang gabi.  Hindi ko pa nakikita ang itsura ng lugar na iyon ng gabi dahil nga tuwing umaga lamang kami nagkakape duon.  Konti ang tao at karamihan ay nag-iisa na may dalang libro.  Pinigil ko ang luha ko nang makita kong may ensaymada pa silang tinitinda ng ganitong oras.  Bumili ako ng café mocha at pinili kong umupo sa mga upuan sa labas dahil alam kong marami lamang akong maaalala sa loob.

Nagsindi ako ng isang sigarilyo at itinuon ko ang pansin sa mga nagdadaang sasakyan sa kalsada, sa mga taong naglalakad, sa mga ilaw at parol sa paligid, sa mga…

“Kelan ka pa naninigarilyo?  Hindi mo ba alam na masama iyan?” Isang pamilyar na boses ang narinig ko mula sa likod – si Patrick,  “O, para kang nakakita ng multo.  Huwag ka tatakbo, ha.”  Nakangiting sabi nya.

Naramdaman kong namula ang buong mukha ko, ngunit nakatitig pa rin ako sa kanya.  Ngumiti sya at kinuha ang sigarilyong nasa kamay ko at pinatay nya sa ashtray.

“Mabilis kang hihingalin nyan pag tumakbo ka.”  Isa na namang pang-aasar nya.  “Can I join you?”

“Uhhh…wala kang kape?”  Sa wakas ay nakapagsalita ako.  Umupo sa harap ko si Patrick, wala syang pinagbago, ngunit mukha syang pagod.

“Kelangan kong makatulog sa gabi…” Mahinang sabi nya.  “Kumusta ka na, Celine?”

At duon nagsimula ang kuwentuhan namin.  Narinig kong muli ang tawa nya.  Parang kahapon lamang kami hindi nagkita.  Parang nagkakape kaming muli ngunit gabi at walang ensaymada.  

Sa wakas ay dumating ang katahimikang nakabibingi.  Pareho kaya kami ng iniisip kung magkikita pa kami bukas?  Magkakape ba kami ulit?  Sino ang unang magyayaya?  Pero, gusto ko bang magkita kami ulit?

“Uhhh…Patrick, kelangan ko nang umuwi.”  At nagsimula na akong tumayo.

“Sabayan na kitang maglakad hanggang sa tinutuluyan mo.”  Tumayo na rin sya.

Tahimik kaming naglakad.  Parehong kinakain ng kanya-kanyang pag-iisip.  Lumalamig ang hangin, at nagtago na ang mga bituin at ang buwan sa makakapal na ulap.  Tahimik pa rin ang aming paglalakad hanggang sa bungad ng aking tinutuluyan.

Gusto kong humingi ng tawad sa ginawa ko.  Gusto kong tanungin kung naaalala ba nya. Marami akong gustong itanong.  Marami akong gustong sabihin.

“Good night, Patrick.” Lamang ang lumabas sa aking bibig.

Tumango-tango lamang sya at nagsimulang maglakad papalayo.  Nagsimula na rin akong maglakad papasok.

“Celine!”  si Patrick, bumalik.  “Gusto ko lang malaman mo, na-miss kita sa sampung buwan na hindi kita nakita o nakausap man lang.  Sampung buwan akong di makatulog sa pagsisisi na hindi ko man lang nasabi sa ‘yo ang gusto kong sabihin.  Nawala ka sa buhay ko nang hindi ko sinabing…mahal kita.

Ngayon, kung puputulin mo pa rin ang komunikasyon natin.  Kung napagpasiyahan mo nang ayaw mo na talaga akong maging bahagi ng buhay mo, wala na akong pakialam, dahil, mawawala ka ulit na nasabi ko na, na mahal kita.  Hindi tulad ng dati, nawala kang hindi ko man lang nasabi ito.  Ngayon, makakatulog na ako sa gabi.”

At tumalikod na si Patrick at lumakad papalayo.  

Bumuhos ang ulan.  

Hindi ako makapaniwala sa narinig ko.  Mahal Kita.  Ang sagot sa lahat ng tanong ko.  Iyon nga!  Iyon ang dahilan bakit ako tumakbo at umiwas!  Mahal ko si Patrick!  At itinago ko sa sarili ko ito!

Kailangan kong mahabol si Patrick.  Kelangan kong maipaalam.

Tumakbo ako sa ulan.  Wala akong pakialam kahit nararamdaman ko nang pumapasok ang tubig sa sapatos ko at basang-basa na ako.  Kelangan kong mahabol si Patrick.  Sana ay ‘di pa sya nakakalayo.  Sana…sana…

Nakita ko si Patrick nakatigil sa kanto, naghihintay tumawid.

“Patrick!”  Ang sigaw ko.  Lumingon si Patrick na may pagtataka sa mukha, dahan-dahan syang lumapit.

“Celine…bakit?”

“Patrick, pwede ba tayong magkape?  Gusto kong order-in ang ensaymada.”

Mahigpit ang pagkakayakap ni Patrick.
©2005-2008 ~xatinrei
Details
Submitted: March 22, 2005
File Size: 18.6 KB
Image Size: 0 bytes
Resolution: 0×0
Comments: 0
Favourites & Collections: 0

Views
Total: 60
Today: 0

Downloads
Total: 0
Today: 0

Thumb

Author's Comments

A realization of a confused girl.

Devious Comments

love 0 0 joy 0 0 wow 0 0 mad 0 0 sad 0 0 fear 0 0 neutral 0 0

No comments have been added yet.