deviant ART

[x]

Huwag Madamot by ~xatinrei:iconxatinrei:



Kape, isang balot ng mamon, at dyaryo – ang mga bagay na hindi mawawala sa aking malaking bag.

Malayo ang binabyahe ko mula sa aking tinitirahan papuntang trabaho.  May isang oras siguro.  Araw – araw, limang minuto ang nilalakad ko mula sa aking bahay hanggang sa sakayan ng bus.  Pagkaraan ng limang minuto, bababa ako sa bus at bibili sa kanto ng kape at dyaryo.  Pagkatapos ay bibili ako ng isang ballot ng mamon na may laman na sampung maliliit na piraso.

Minsan, may nagtanong sa akin, bakit hindi ko raw subukan magdala ng ibang pagkain bukod sa mamon.  Prutas o di kaya pandesal naman.

Ang sagot ko: “Mahigit isang taon ko na ginagawa ito at ayoko ng kahit anong pagbabago.”

Pagsakay sa tren, uupo na ako sa dalawahang upuan sa may bandang bintana at ilalapag sa maliit na lamesa sa pagitan ng dalawang upuan ang aking kape, isang balot ng mamon at dyaryo.  Magsisimulang kumain at magbasa.  Limang pirasong mamon lamang  at ang nalalabi ay para sa pag-uwi ko naman.

Limang taon na akong sekretarya ng isang magaling na abogado.  Kinuha akong sekretarya ng “big boss” ngunit talagang takot ako sa pagbabago.  Baka mahirapan lamang ako ng husto.  Siyam na oras ang trabaho ko, pagpatak ng alas singko, lumalabas na ako ng opisina.  Muling bibili ng kape at sasakay ng tren pauwi, babasahing muli ang dyaryo at kakainin ang nalalabing limang mamon.

Minsan, ako ay tinanghali ng gising.  Nagtatatakbo ako patungong sakayan ng bus.  Pasara na ang pinto nito nang ako ay makarating.  Mabuti na lamang at nakahabol ako.
Pagdating sa estasyon ng tren, napansin kong punon-puno ng tao.  May kaganapan sigurong malaki sa syudad.

Hindi ako nakakuha ng upuan sa may bintana at ako ay umupo sa tabi ng isang lalaki.  Itim na itim ang suot nya at maayos na nakapusod ang kanyang hanggang balikat na buhok.  Natakot akong bahagya, ngunit mas pinili kong tumabi sa kanya kesa sa nasa likod na lalaki na may kasamang dalawang malilikot na bata.  Pagkaupo ko ay may ilang beses kaagad akong naitulak ng aking upuan na pinaglalaruan ng dalawang bata.  Tiningnan ko lamang ng masama at dinilaan ako ng isa.

Napabuntonghininga na lamang ako at naisip kong magbasa na lamang ng dyaryo.  Ngunit nakita kong binabasa ito ng katabi ko!  Napanganga ako sa gulat at hindi man lamang nagpaalam sa akin.  Padabog kong kinuha ang itinira nya sa lamesa.  Buti at ang maiinit na balita ang iniwan nya.  Binasa ko.  Tumingin lamang sa akin ang lalaking katabi ko.  

Maya-maya pa ay kumuha naman sya ng isa sa aking mamon.  Hinawakan ko ang kape ko at baka inuman nya.  Sa inis, ay kumuha ako ng dalawang mamon at sabay isinubo sa bibig ko.  Tumingin lamang sa akin ang lalaki at ngumiti, sabay kuha ng isa pang mamon.  Kumuha ulit ako ng dalawa at muling isinubo ng sabay.  Kumuha rin sya ng dalawa at kinuha ko ang natitirang dalawa.

Magulo pa rin ang mga bata sa likod ko at natamaan ako ng isa sa mga ipinupukpok nila sa upuan.  Sa wakas ay tumalikod ako at kinausap ang ama nila.

“Mama, maari bang paupuin mo nang maayos ang mga anak mo?”

Mula sa halatang malalim na pag-iisip, nagulat ang ama ng mga bata at mahinahong sinabi,

“Pasensya ka na miss, yung nanay kasi nila…ospital ang punta namin…sabi ng doktor…wala na…ospital, dun ang punta namin…sa nanay nila…” at tumingin ulit ito sa bintana.

Tiningnan ako ng katabi ko at ibinaling ko na lamang ang aking paningin sa aking mga sapatos.  Maya-maya pa ay inilapag ng katabi ko ang lahat ng dyaryo sa lamesa.  Aba’t ginagamit pa rin nya!  Ang kapal talaga ng mukha!

Pagdating sa destinasyon, kinuha ko agad ang dyaryo at dagli-dagling naglakad palabas.  

Paglagay ko ng dyaryo sa aking bag, nakita ko ang isang hindi pa nababasang dyaryo at isang balot ng mamon na may sampung laman.
©2005-2008 ~xatinrei
Details
Submitted: April 2, 2005
File Size: 4.3 KB
Image Size: 0 bytes
Resolution: 0×0
Comments: 0
Favourites & Collections: 0

Views
Total: 24
Today: 0

Downloads
Total: 2
Today: 0

Thumb

Author's Comments

Why not welcome change?

Devious Comments

love 0 0 joy 0 0 wow 0 0 mad 0 0 sad 0 0 fear 0 0 neutral 0 0

No comments have been added yet.